
Itinanggi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang mga alegasyon sa umano’y “white paper” na sinasabing ipinadala sa Office of the President ng mga hindi nagpakilalang tauhan ng ahensiya.
Sa isang pahayag, sinabi ni Viado na pawang malisyoso at walang katotohanan ang mga paratang sa dokumento.
Tinawag pa ito ng opisyal na well orchestrated at pinondohan para sirain ang ahensiya.
Batay sa ilang ulat, inireklamo si Viado ng korapsyon at misconduct sa paghawak ng mga kasong may kaugnayan sa POGO at deportasyon ng mga dayuhang iligal na nagtatrabaho sa bansa.
Kaugnay niyan, handa aniya ang kagawaran na makipagtulungan sakaling magsagawa ng imbestigasyon ang ibang ahensiya ng pamahalaan.
Sa ngayon, tukoy na ng Immigration ang mga nasa likod ng sinasabing paninira.
Posible rin aniya na konektado sa kampanyang ito ang ilang dating opisyal at kawani ng Immigration na apektado ng umiiral na “one-strike policy” at mga reporma sa loob ng ahensya.
Sa huli, nagbabala si Viado na ilalantad niya kung sino ang mga nasa likod nito sa tamang panahon.