
Aminado ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na alam nila ang paminsang paggamit ng iligal na gamot ni Rose, ang babaeng lumabas sa imburnal sa Makati City.
Ayon Kay Director Marlyn Moral ng Pag-abot Program ng DSWD, lumitaw umano ito sa pakikipag-usap ng kanilang mga social worker mula sa Pag-abot Program kay Rose, kung saan binanggit sa kaniya ang mga kondisyon sa pag-avail ng programa ng ahensya, kabilang ang pagsasailalim niya sa rehabilitasyon.
Ipinaalam aniya nila kay Rose ang kahalagahan ng pagiging bukas sa kanyang kalagayan.
Gayunman, sakop umano ng client-social worker confidentiality ang lumitaw na impormasyon sa kaso ni Rose.
Ayon pa kay Moral, makakaasa na ang kanilang mga social worker katuwang ang iba pang mga kinauukulan ay magsasagawa ng mga hakbang upang magkaroon ng positibong pagbabago sa buhay nina Rose at ng kaniyang kinakasama upang maging produktibong miyembro ito ng komunidad.
Iginiit naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na bahagi ng mandato ng ahensya ang pagsagip at pagtulong sa mga taong dumaranas ng pagsubok sa buhay upang magkaroon sila ng panibagong pagkakataon sa buhay.