
Bago bumiyahe patungong Ilocos Norte, pormal na tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang ngayong tanghali si Prime Minister Samdech Moha Borvor Thipadei Hun Manet ng Kingdom of Cambodia.
Dumating sa Pilipinas kahapon ang Punong Ministro para sa state visit nito sa bansa na magtatapos ngayong araw.
Ginawaran ng arrival honors si Prime Minister Hun Manet sa Malacañang at lumagda na sa guest book.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang bilateral meeting ng dalawang lider patungkol sa pagpapalakas ng kooperasyon sa kalakalan, depensa, turismo, at regional security.
Sasaksihan din ng dalawang lider ang paglagda sa mga kasunduan ng Pilipinas at Cambodia pagdating sa iba’t ibang larangan.
Ito ang kauna-unahang opisyal na pagbisita ng Cambodian leader sa bansa mula nang siya ay umupo sa puwesto, na nagpapatibay sa matibay na ugnayan ng Pilipinas at Cambodia.
Ang pagbisita ng punong ministro sa bansa ay nagpapakita ng commitment ng Pilipinas at Cambodia na palakasin pa ang kanilang relasyon na unang itinatag noong 1957 at pinagtibay noong 1995.