
Inireklamo ng grave misconduct at conduct unbecoming of public officer sa National Police Commission (NAPOLCOM) ng isang babae ang kinakasama niyang pulis-Pasay City dahil sa umano’y paulit-ulit nitong pananakit at panunutok ng baril dahil sa selos.
Ayon sa biktima, anim na taon na silang nagsasama at nagsimula umano ang pananakit sa kaniya noong December 15, 2022, kung saan tinutukan siya ng baril ng pulis sa sasakyan.
Lagi rin umanong nakasukbit ang baril ang suspek, kahit nasa loob ng bahay o nagluluto, pero ayon sa pulis, ito ay dahil sakop ng assignment niya ang pagbabantay sa kanilang area.
Sa press conference ngayong Huwebes, Oct. 22, sinabi rin ng biktima na ipina-blotter at inireklamo nya na rin sa Krame ang pulis noon pero ipinahinto nya ito para sa kanilang anak at gusto niyang magkaayos sila dahil malapit na magpasko.
Habang sinampahan na rin ito ng biktima sa Pasay City kahapon ng Violence Against Women and Their Children.
Ayon kay Commissioner Calinisan, hahanapin nila ang mga pulis na pinagsampahan ng reklamo ng biktima noon, dahil kahit inihinto ng biktima ang reklamo ay dapat umanong umaksyon ang mga pulis na nakakaalam ng nasabing pananakit ng pulis.
Dumating naman nang late sa itinakdang oras ng pagharap ang pulis sa NAPOLCOM, dahil umano sa traffic, pero ayon sa kaniyang hepe ay ayaw sumama sa kaniya papunta sa NAPOLCOM ng nasabing pulis.
Samantala, ni-relieve at dinis-armahan naman na ang pulis at pinamamadali na rin ang paglalabas ng 60-day preventive suspension laban dito.










