Binatilyong kukuha ng sahod, hinoldap ng tatlong lalaki sa Maynila; isa sa mga suspek, sinaksak ang biktima

Nagtamo ng saksak sa katawan ang isang 17-anyos na lalaki matapos na umano’y holdapin ng tatlong ‘di pa nakikilalang indibidwal sa bahagi ng Barangay 101 Zone 8, Tondo, Maynila kahapon.

Ayon sa opisyal ng barangay, nakita ng ilan sa mga saksi sa lugar ng insidente na hinarang umano ng tatlong suspek ang biktima at pilit na kinukuha ang hiniram nitong bisikleta.

Nanlaban ang biktima sa mga suspek ngunit humugot ang isa sa mga ito ng patalim at sinaksak ang binatilyo tsaka tumakbo papalayo dala ang bisikleta.

Ang isa sa mga suspek na siya ring sumaksak sa biktima ay tumalon sa ilog at nagtago sa biga o beam sa ilalim ng tulay.

Agad na hinabol ng ilang residente ang suspek at rumesponde rin sa lugar ang ilang opisyal ng barangay at ilang mga pulis upang mahuli ang nagtatagong suspek na nagtagal ng mahigit dalawang oras.

Ayon naman sa manugang ng biktima, kukuha sana ng sahod ang biktima sa kaniyang trabaho bilang isang palero nang mangyari ang krimen.

Sa ngayon ay sasailalim sa operasyon ang biktima matapos na magtamo ng saksak sa likod.

Nasa kustodiya na ng Manila Police District ang suspek habang patuloy pa ring pinaghahanap ang dalawang kasabwat sa krimen.

Facebook Comments