BINMALEY LGU, MAGPAPATUPAD NG FISHPEN CLEARING SA ILOG; VOLUNTARY REMOVAL HANGGANG MAYO 15

Ipapatupad na ng Lokal na Pamahalaan ng Binmaley simula Mayo 15 ang pagtatanggal sa lahat ng iligal na fishpens at iba pang kahalintulad na istruktura sa kahabaan ng Binmaley River.

Sa panayam ng IFM News Dagupan, binigyang-diin ng alkalde na layunin ng hakbang na mapanatiling ligtas at malinis ang ilog, maiwasan ang harang sa paglalayag ng mga bangka at mapangalagaan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa bayan.

Ayon sa LGU Binmaley, kinakailangang boluntaryong alisin ng mga may-ari ang kanilang mga fishpens at iba pang istruktura bago ang itinakdang petsa.

Sakaling hindi sumunod ay maaari umano silang maharap sa sapilitang pagbabaklas, pagkumpiska ng kagamitan at posibleng legal na aksyon alinsunod sa batas.

Giit ng LGU na ito ay alinsunod sa implementasyon ng Executive Order No. 36, Series of 2023.

Batay sa Philippine Fisheries Code of 1998 o Republic Act 8550 na inamyendahan ng RA 10654 at sa Local Government Code of 1991, hindi rin umano pinapayagan ang fishpens, fish cages, fish corrals at iba pang kahalintulad na istruktura na humaharang sa tinatawag na navigation buffer zones sa municipal waters maliban kung may wastong awtorisasyon.

Kaugnay nito, nanawagan ang Lokal na Pamahalaan ng Binmaley ng kooperasyon mula sa publiko upang maisulong ang legal na paggamit ng yamang tubig sa bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments