Dead on arrival sa pagamutan ang isang caretaker ng fish cage matapos matagpuang palutang-lutang sa kahabaan ng Agno River na sakop ng Brgy. Balococ, Lingayen, noong umaga ng Sabado, Mayo 9.
Nawawala umano ang biktima sa loob ng dalawang araw at huling nakitang nakikipag-inuman sa isang kubo malapit sa ilog bago natagpuan ang kanyang bangkay.
Sa panayam kay PCpl Matt Joseph Delos Santos, alas dyiz nang gabi noong Mayo 7, nang magpaalam ang biktima na matutulog sa kabilang kubo, dala ang isang bote ng alak.
Madaling-araw nang makarinig ng kalabog sa tubig ang kainuman ng biktima, ngunit hindi na niya ito pinansin.
Makalipas ang dalawang araw, bangkay na ng matagpuan ng isang mangingisda ang biktima sa ilog.
Hinihinalang posibleng dahil sa kalasingan kaya nalunod ang biktima.
Dagdag ni Delos Santos, tubong Visayas umano ang 24 anyos na biktima at apat na taon pa lang naninirahan sa lalawigan kaya’t patuloy pa ang pakikipag-ugnayan sa kanyang pamilya upang ipaalam ang insidente.
Paalala naman ng pulisya na panatilihing katamtaman ang pag-inom ng alak upang maiwasan ang anumang aksidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






