Sunday, May 31, 2026

SUSPEK NA BUMARIL SA 35-ANYOS NA LALAKI SA DAGUPAN CITY, SUMUKO SA PULISYA

Idineklara nang patay ang isang 35-anyos na lalaki matapos umano itong barilin sa Sitio Aliguas, Brgy. Pantal, Dagupan City noong Mayo 7, 2026.

Sa panayam ng IFM News Dagupan, sinabi PCPT Pete Oliver R. Soriano, Officer-in-Charge (OIC) ng Police Station 1 ng Dagupan CPO, iniulat umano ng kapatid ng biktima sa mga awtoridad ang insidente noong umaga ng Mayo 7 matapos umano itong pagbabarilin ng suspek sa kanilang bahay.

Batay sa imbestigasyon, nagtamo ang biktima ng dalawang tama ng bala sa katawan.

Ayon naman sa mga saksi, sunod-sunod na putok ng baril ang kanilang narinig bago nadiskubreng duguan ang biktima.

Isinugod pa sa pagamutan ang lalaki ngunit idineklara itong patay alas-3 ng madaling araw noong Mayo 8.

Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.

Samantala, kusang sumuko sa pulisya ang suspek at inihahanda na ang kasong murder laban dito.

Facebook Comments