Mga proyektong nakatuon sa modernisasyon ng serbisyo at pagpapaunlad ng imprastraktura ang inilatag ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley sa ikaapat na State of the Municipality Address (SOMA) ni Mayor Pedro “Pete” A. Merrera III kahapon, Lunes, Hulyo 13.
Sa kanyang ulat, sinabi ng alkalde na kabilang sa mga pangunahing prayoridad para sa ikalawang kalahati ng 2026 ang digitalization ng payment systems ng munisipyo, pagbili ng lupa para sa itatayong bagong slaughterhouse, pagpapaganda ng wet section ng pampublikong pamilihan, at paghahanda ng bayan para sa Seal of Good Local Governance.
Kasabay nito, iniulat din ni Merrera ang mga naging resulta ng mga programa ng lokal na pamahalaan sa unang anim na buwan ng taon.
Ayon sa alkalde, mahigit 25,000 serbisyo at benepisyo ang naihatid sa mga residente sa pamamagitan ng mga programang pangkalusugan, edukasyon, kabuhayan at social welfare.
Naitala rin ang implementasyon ng 16 na proyekto na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱57.4 milyon, habang inaprubahan din ang Supplemental Budget No. 1 na may pondong ₱48.5 milyon para sa pagpapatuloy ng iba’t ibang programa ng lokal na pamahalaan.
Sa larangan ng edukasyon, patuloy na sinusuportahan ng Binmaley Scholarship Assistance Program ang 248 college scholars.
Samantala, higit ₱14.5 milyon ang naipamahagi sa mga benepisyo ng senior citizens, mahigit 1,700 pasyente ang natulungan ng MDRRMO ambulance services, at 1,079 residente ang nagtapos sa libreng Theoretical Driving Course.
Iniulat din ng Binmaley Municipal Police Station ang 100 porsyentong crime clearance efficiency, habang kabilang na rin ang Binmaley sa Top 15 most competitive municipalities sa Region 1 batay sa Cities and Municipalities Competitiveness Index. Ginawaran din ang bayan ng Good Financial Housekeeping Award ng DILG para sa taong 2025.
Sa pagtatapos ng kanyang SOMA, hinikayat ni Mayor Merrera ang pagkakaisa ng mga Binmaleyense sa pagpapatuloy ng mga programang pangkaunlaran ng lokal na pamahalaan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










