CENPELCO, HUMINGI NG PAUMANHIN SA SCHEDULED POWER INTERRUPTION SA BUONG BAHAGI NG MANGALDAN NOONG LINGGO

Humingi ng paumanhin at nagpaliwanag ang Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) sa lokal na pamahalaan ng Mangaldan matapos ang scheduled power interruption sa buong bahagi ng Mangaldan noong July 12, na isinagawa ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Batay sa liham na ibinahagi ni Councilor Ervin Lomibao noong July 13, sinabi ng kooperatiba na sa isinagawang internal review ay natuklasang hindi nailabas ng maaga ang advisory email ng NGCP na ipinadala noong Hulyo 8, 2026.

Natabunan umano ang abiso dahil sa dami ng natatanggap nitong email araw-araw.

Humingi ng paumanhin ang naturang kooperatiba sa Sangguniang Bayan ng Mangaldan at sa mga konsyumer na naapektuhan ng abala at nangakong magpapatupad ng hakbang para mapabuti ang pagpoproseso ng mahahalagang abiso.

Matatandaang naglabas ang NGCP ng advisory para sa scheduled power interruption sa ilang bahagi ng Pangasinan noong July 12 kabilang ang nasasakupan ng CENPELCO sa Guilig Substation na isinagawa mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon bilang bahagi ng maintenance activity sa Sapang–Guilig 69kV line segment. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments