
Nakatakda nang isampa ng Bureau of Internal Revenue o BIR sa Court of Tax Appeals anumang araw ang P1.68 bilyon tax case laban sa umano’y BGC Boys o kina dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Jaypee de Leon Mendoza, Henry Alcantara, at Brice Hernandez anumang araw.
Ayon sa BIR, may clearance at approval na umano silang nakuha mula sa Department of Justice (DOJ) para sa paghahain ng 44 kasong kriminal laban sa mga nabanggit na indibidwal.
Batay sa tatlong magkakahiwalay na resolusyong inilabas ng DOJ, may sapat umanong mga batayan at ebidensya para sa pagsasampa ng patung-patong na mga kaso.
Ginamit din ng BIR ang expenditure method, kung saan itinuturing nilang ebidensya ang mga gastos na lagpas sa idineklarang kita na hindi iniulat.
Ayon sa BIR, nahaharap si Mendoza sa 16 na informations para sa taong 2021 hanggang 2024, 18 informations naman kay Alcantara simula 2022 hanggang 2024, habang 10 kaso naman kay Hernandez simula 2020 hanggang 2024.
Samantala, nangako naman si Commissioner Charlito Martin Mendoza, na hindi sila titigil sa paghahabol sa lahat ng mga taong nagtatago ng kita at hindi nagfa-file ng tamang buwis, lalo na umano ang mga opisyal at pribadong indibidwal na sangkot sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.










