
Hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga Katoliko na maging instrumento ng pagbabago sa halip na manatili sa pagpuna sa mga problema sa lipunan.
Sa kaniyang misa sa Quiapo Church, sinabi ni Advincula na madaling magreklamo, mamuna at maging keyboard warriors sa social media pero kakaunti lamang ang handang kumilos para lutasin ang mga problema.
Ayon sa kardinal, hindi sapat ang pagtukoy sa mga mali kung walang malinaw na hakbang para maitama ang mga ito.
Binigyang-diin ni Advincula na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa personal na pananagutan, katapatan at paglilingkod sa kapwa gaya ng ginawa ni San Juan Bautista na hindi nanahimik noon at kumilos para akayin muli ang tao pabalik sa Diyos.
Nagbabala rin siya laban sa labis na paghahangad ng kayamanan, kapangyarihan at pribilehiyo kung saan mas mahalaga aniya na unahin ang kapakanan ng iba sa halip na ang pansariling interes.










