Tuesday, June 23, 2026

CIDG, nagsagawa ng crime scene reconstruction sa Aurora, kung saan nalunod ang 2 ADMU athlete

Nagsagawa ngayong araw ng crime scene reconstruction ang Criminal Investigation and Detection Group kasama ng Forensic Group (FG), Aurora Police Provincial Office, Police Regional Office 3 at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa lugar kung saan naganap ang pagkalunod ng 2 college basketball players sa Brgy. Libis, Dipaculao, Aurora Province.

Ayon sa CIDG, ang layunin ng nasabing reconstruction ay para matukoy ang eksaktong sitwasyon ng dagat nang mangyari ang nasabing insidente at makalkula ang distansya sa pagitan ng pampang at water line para makita ang high tide conditions.

Kasama pa ang pagtukoy kung nasaan ang mga biktima at saan sila huling nakita para malaman kung tugma ito sa CCTV footages kasama ng mga testimonya mula sa mga manlalaro, coaches at mga witness.

Pati na ang pagsukat kung gaano kalayo ang mga biktima at ang eksaktong lalim ng tubig nang mangyari ang nasabing insidente.

Samantala, nag-deploy ang investigating team ng SONAR o Sound Navigation and Ranging para makita ang underwater topography at lalim nito pati na ang 3D scanner para makuha ang patial data ng shoreline at ng lugar.

Dagdag pa nito, nagsasagawa rin ang mga imbestigador ng balidasyon sa presensya ng mga warning signs at mga emergency safety measures sa harap ng resort.

Tiniyak naman ng CIDG na masusi nilang iimbestigahan ang bawat pangyayari sa nasabing insidente.

Facebook Comments