
Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa posibleng pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang produktong agrikultural kasunod ng patuloy na paghina ng piso kontra dolyar.
Ayon kay DA Spokesperson Arnel de Mesa, dahil sa mahinang piso, mas lalaki ang gastos sa pag-aangkat ng mga produkto tulad ng bigas at pataba na ginagamit sa pagsasaka.
Posible ring tumaas ang presyo ng bigas sa Nobyembre at Disyembre dahil sa inaasahang epekto ng El Niño.
Gayunman, tiniyak ng DA na sapat ang suplay ng mga pangunahing pagkain sa bansa hanggang sa katapusan ng taon.
Sa datos ng ahensiya, umabot na sa 4.36 million metric tons ang naangkat na bigas hanggang noong Oktubre 22.
Samantala, pumalo sa ₱64.18 kontra isang dolyar ang halaga ng piso na naitala Miyerkules, Oktubre 28, na panibagong pinakamababang antas nito.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na walang dahilan para mag-panic sa kabila ng pagbagsak ng halaga ng piso.
Sinang-ayunan naman ito ng DA at iginiit na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa.










