Friday, April 17, 2026

PNP, iniimbestigahan ang human trafficking syndicate na nag-re-recruit sa mga Filipino para piliting magsilbi sa mga dayuhang militar

Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang human trafficking syndicate na humihikayat sa mga Pilipino para piliting magsilbi sa dayuhang militar sa ibang bansa.

Ito ay matapos ibunyag ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang pattern ng mga nasabing modus kung saan ang mga biktima ay unang nire-recruit para sa lehitimong trabaho sa ibang bansa na kalaunan ay pinapalitan ang kanilang mga kontrata at pipiliting magsilbi sa mga dayuhang militar.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., tinitingnan na nila ang mga detalye sa nasabing ulat para maprotektahan ang mga Pilipino sa ganitong uri ng modus, pati na rin ang pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan at mga foreign counterparts.

Hinimok din ng PNP ang publiko na agad na i-report ang anumang kaalaman sa nasabing aktibidad upang agad ding maaksyunan.

Nagpaalala naman si Nartatez sa publiko na maging maingat at maging mapanuri laban sa mga posibleng scam.

Facebook Comments