Puspusan nang nililinis ng mga kamag-anak ang mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay bilang paghahanda sa araw ng Undas.
Sa Mapandan Cemetery, kanya-kanya nang nagtatanggal ng mga kalat at tumubong damo ang mga dumadalaw sa mga puntod.
Kabilang dito si Evelyn Lalas, na maagang dumating sa sementeryo upang linisin ang libingan ng kanyang yumaong ama at maiwasan ang matinding init ng araw.
Ayon kay Lalas, inagahan na niya ang paglilinis upang hindi na ito maging alalahanin sa araw ng kanilang pagdalaw sa Undas.
Samantala, sa Bonuan Boquig Cemetery sa Dagupan City, patuloy rin ang paglilinis at pagtatabas ng matataas na damo sa paligid ng mga puntod.
Napansin din ang naipong tubig-baha sa ilang bahagi ng sementeryo kaya posibleng mahirapan ang mga bibisita, lalo na kung hindi magsusuot ng bota.
May ilan na ring maagang dumadalaw sa mga libingan upang maiwasan ang pagsisiksikan sa dami ng mga taong inaasahang bibisita mismo sa araw ng Undas.
Samantala, nagsasagawa na rin ng mahigpit na pagbabantay ang hanay ng Dagupan City Police Office sa mga sementeryong sakop nito. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








