BUS SUMAGI SA TELECOM CABLE SA TEBENG; NAKALAYLAY NA KABLE, NAKAABALA SA DALOY NG TRAPIKO

Isa ang Barangay Tebeng sa mga alternatibong ruta mula Dagupan City patungong Calasiao, lalo na ngayong patuloy na nararanasan ang epekto ng Habagat na nagdudulot ng pagbaha sa ilang pangunahing kalsada sa downtown area ng lungsod.

Nadatnan ng IFM News Team ang isang nasira at mababang telecommunication cable sa Sitio Centro, Barangay Tebeng, matapos itong masagi ng isang bus noong Agosto 12, 2026.

Agad namang rumesponde ang mga kinauukulan upang pansamantalang maiangat ang mga kable at maiwasan ang karagdagang panganib sa mga motorista at residente.

Gayunman, nagdulot ang insidente ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga sasakyang dumaraan sa nasabing alternatibong ruta.

Samantala, mahigpit na pinaaalalahanan ng DECORP ang publiko na huwag magsagawa ng sariling aksyon sakaling makakita ng naputol, nakalaylay, o nasirang mga kable upang maiwasan ang aksidente at posibleng pagkakuryente.

Sa halip, agad itong i-report sa DECORP o sa pinakamalapit na kinauukulan upang maisagawa ang nararapat na inspeksyon at agarang aksyon ng mga awtorisadong personnel. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments