PAMBATO NG PANGASINAN SA MISS UNIVERSE PHILIPPINES 2026, PASOK SA TOP 6 NG NATIONAL COSTUME COMPETITION

Nagbubunyi ngayon ang buong Pangasinan matapos makapasok sa Top 6 ng Miss Universe Philippines 2026 National Costume Competition ang kandidatang si Donna Rein Nuguid.

Ang kanyang kasuotan ay hango sa sinaunang diwata ng karagatan ng Pangasinan, na si Aman Sinaya, isang konseptong sumasalamin sa mayamang kultura, paniniwala, at ugnayan ng lalawigan sa dagat kaya naman ang magandang interpretasyon at masusing detalye ng disenyo ay agad humakot ng atensyon at paghanga mula sa mga hurado at manonood.

Dala-dala ang buong Pangasinan, kinilala rin ni Nuguid ang kanyang team mula sa costume design, local directors, road manager, handler, director, at iba pang nakatoka sa video at photo hanggang sa kanyang hair and make up.

Sa naturang kompetisyon, luminya si Nuguid kasama ang mga kandidata mula sa Tacloban City, Baguio City, Iloilo, Negros Occidental at Pampanga.

Samantala naging matagumpay naman ang idinaos na Miss Universe Philippines 2026 sa Urdaneta City, Pangasinan, kung saan ipinamalas ng mga kandidata ang kani-kanilang galing, ganda, at adbokasiya.

Patuloy naman ang pagbuhos ng suporta mula sa mga taga-Pangasinan para kay Nuguid habang dala niya ang inspirasyon ng ating kultura sa entablado ng patimpalak. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments