CAGAYANO, NAKIISA SA PUGAY PAKIKIRAMAY PARA SA 5 RESCUERS NAGBUWIS NG BUHAY SA BAGYONG KARDING

22
Nakiisa ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan, sa isinagawang “pugay pakikiramay” para sa limang bayani na nagbuwis ng kanilang buhay sa panahon ng pananlasa ng nagdaang Super typhoon Karding.

Kaugnay nito, sabay-sabay na isinagawa ang pagpapatunog ng mga serena at pagbuhos ng water salute ng mga iba’t ibang istasyon ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) at ng Cagayan PDRRMO, dakong alas-singko ng Setyembre-30.

Kinikilala ang kabayanihang ipinamalas ng Bulacan Rescuers na sina George Agustin, Narciso Calayag Jr., Troy Justin Agustin, Jerson Resurreccion at Marby Bartolome.

Ang mga bayaning rescuers ay nagbuwis ng buhay sa kanilang pagsaklolo sa Brgy. Kamias, San Miguel, Bulacan noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong “Karding”.

Samantala, taos-pusong pakikiramay ang ipinapaabot ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamilya at minamahal ng Fallen-5 rescuers.

Ang ipinakitang katapangan at dedikasyon ng mga bayaning rescuers sa pagtupad ng kanilang trabaho at pagmamahal sa kababayan ay hindi kailan man matutumbasan.

Facebook Comments