
Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi makakaapekto sa campaign airtime ng mga re-electionist na senador ang pagiging judge nila sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ay sakaling umarangkada na sa Senado ang pagtalakay sa impeachment ni VP Sara, matapos iakyat ng Kamara nitong nagdaang linggo.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, hindi isasama sa alokasyon ng oras para sa isang kandidato kung magiging bahagi siya ng mga magiging balita dahil iba naman ito sa pag-promote sa sarili.
Hindi rin ito isasama sa bayad o equivalent amount para sa oras na ilalabas sa telebisyon o radyo.
Batay kasi sa guidelines, may tig 120 minutes lamang ng airtime sa kada istasyon ang national candidates para sa telebisyon habang 180 minutes naman per station sa mga advertisement sa radyo.
Samantala, una nang iginiit ni Senate President Francis Escudero na hindi uusad ang impeachment trial habang naka-break ang sesyon ng Kongreso na sa ikalawang araw pa ng Hunyo magbabalik.