Monday, August 3, 2026

VP Sara Duterte, bukod tanging bise presidente at dating DepEd Secretary na na-audit ng coa

Idiniin ng Commission on Audit (COA) na bukod tanging si Vice President Sara Duterte ang ikalawang pangulo na kanilang naisailalim sa auditing ng ahensya.

Sa Day 11 ng impeachment trial ni VP Sara Duterte, tinukoy ni dating state auditor ng Commission on Audit – Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) Roderick Wamil na mula noong maitalaga siya sa tanggapan noong 2014, bukod tanging si VP Duterte lang ang kanyang naisailalim sa audit ng confidential funds.

Paliwanag ni Wamil, si VP Duterte lang ang bise presidente at siya lang din ang bukod tanging dating Education Secretary ang nagkaroon ng confidential funds.

Hindi aniya nagkaroon ng confidential at intelligence funds ang mga noo’y dating Vice Presidents na sina dating VP Jejomar Binay at dating VP Leni Robredo.

Sa pagtestigo ni Wamil, binigyang-diin niya na hindi maaaring gamitin ang CIF bilang pambayad ng sweldo, overtime, dagdag na compensation, allowance o iba pang benepisyo ng mga opisyal o empleyado ng isang ahensya.

Hindi rin ito dapat gamitin sa representation, consultancy fees o entertainment expenses at kahit sa pagpapatayo o acquisition ng gusali o housing structures.

Samantala, sinabi naman ni Atty. Michael Poa ng defense team na handa nilang i-stipulate ang mga exhibits maliban sa acknowledgement receipts na may petsang December 21 hanggang December 31 2022.

Matatandaang naging kontrobersyal ang petsang ito dahil tinukoy na sa loob ng 11 araw ay ginastos ng OVP ang nasa kabuuang P500 million na confidential funds habang sa una, ikalawa at ikatlong Quarter ng 2023 naman ay aabot sa P112.5 million ang sinasabing nilustay na confi funds ng ikalawang Pangulo noon sa DepEd.

Facebook Comments