
Tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) na hindi hadlang ang kakulangan ng mga asset para bantayan ang karagatan.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, PCG Spokesperson for the West Philippine Sea, sa kabila ng kakulangan ng mga barko ay nagagawan naman ito ng paraan.
Halimbawa na aniya ang pagkakaroon ng iba’t ibang istratehiya at pagpaplano sa deployment ng mga barko.
Una nang inamin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na hindi kayang tapatan ang mga barko ng China dahil sa dami at laki ng mga ito.
Pero sabi ni Tarriela, ang naging pahayag ni PBBM ay paalala na rin sa mga mambabatas na magpatupad ng modernisasyon sa mga kagamitan ng coast guard.
Nanindigan din ang PCG na hindi nagpapabaya ang gobyerno at committed na bantayan ang mga teritoryo ng bansa.