CAPITOL COMPLEX SA LINGAYEN, INIHAHANDA BILANG MAS MALAMIG AT MAS MATATAG NA LUNTIANG ESPASYO

Mas pinalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang mga hakbang laban sa epekto ng tumitinding init at pagbabago ng klima sa pamamagitan ng pagbuo ng isang sustainable urban forest sa loob ng Capitol Complex.

Bilang bahagi ng Capitol Redevelopment Project, kasalukuyang inililipat at itinatanim sa paligid ng kapitolyo ang mga katutubong puno gaya ng Dita (Alstonia scholaris), na inaasahang magsisilbing natural na panlinis ng hangin at magbibigay ng lilim upang makatulong sa pagpapababa ng temperatura sa lugar.

Sa mga susunod na buwan, dadagdagan pa ito ng iba pang katutubong punongkahoy tulad ng Palawan Cherry o Balayong, Banaba, Bani, at Philippine Sakura.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang mga punong ito ay napili dahil sa kakayahan nitong patatagin ang lupa, suportahan ang mga pollinator, at mabawasan ang epekto ng urban heat island sa kapaligiran.

Ipinaliwanag ng mga opisyal na mas angkop ang mga katutubong puno sa klima ng Pangasinan at mas malaki ang naiaambag sa pangangalaga ng kalikasan kumpara sa mga hindi katutubong species.

Samantala, sa proyektong Greep Canopy Program sa lalawigan, mahigit 523,000 punla na ang naitanim sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan bilang suporta sa pangangalaga sa kalikasan at pagpapalakas ng climate resilience. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments