PAGBABANTAY KONTRA DROGA, MAHIGPIT NA ISINASAGAWA SA BONUAN BINLOC, DAGUPAN CITY

Mas pinaigting ng pamunuan ng Barangay Bonuan Binloc, Dagupan City ang kanilang monitoring at iba pang hakbang upang mapanatili ang kaayusan at matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

Sa panayam ng IFM News kay Barangay Kagawad Rodolfo P. Flores, sinabi nitong kapansin-pansin ang pagbuti ng sitwasyon sa kanilang barangay dahil nabawasan na umano ang mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga at kakaunti na lamang ang kanilang nahuhuling sangkot sa naturang ilegal na gawain.

Nilinaw naman ni Flores na karamihan sa mga nahuhuling sangkot sa iligal na droga ay hindi residente ng Barangay Bonuan Binloc kundi mga dayo lamang na pumupunta sa kanilang lugar.

Ayon pa sa opisyal, patuloy na ipinatutupad ng barangay ang iba’t ibang programa at hakbang na naglalayong maiwasan ang paglaganap ng iligal na droga.

Umaasa rin silang tuluyang mababawasan at mawawala ang mga kaso ng droga sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng patuloy na pakikipagtulungan ng mga residente at ng mga kinauukulang ahensya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments