Operasyon ng pagkukumpiska sa mga fish ambulant vendor, pinaiigting para sa kaayusan ng Public market dito sa Dagupan City.
Tuwing madaling-araw ay nagsasagawa umano ng surprise inspection hanggang hapon ang Market Division, katuwang ang Public Order and Safety Office (POSO), sa mga fish vendor na nagtitinda sa gilid ng palengke at wala sa itinalagang fish section.
Ayon sa mga awtoridad, marami pa ring nagtitinda sa kanilang mga garong sa labas ng palengke, na nagdudulot ng pagsisikip at hindi maayos na daloy ng mga mamimili.
Ayon kay Birina, isang lehitimong nagtitinda ng isda sa loob ng palengke, malaking tulong sa kanila ang mahigpit na pagpapatupad ng pagbabawal sa mga ambulant vendor.
Aniya, naaapektuhan ang kanilang kita dahil nasasalubong na ng mga nagtitinda sa labas ang mga mamimili bago pa man makapasok sa pamilihan.
Samantala, sinabi ni OIC-Market Supervisor, Pedrito Rivera na patuloy nilang pinaiigting ang pagpapatupad ng ordinansa kung saan may kaakibat na kaukulang multa mula ₱1,000 at/o pagkakakulong nang hindi hihigit sa limang araw hanggang ₱2,500 at/o makulong nang hindi hihigit sa 30 araw, o pareho, depende sa magiging pasya ng hukuman.
Dagdag pa ni Rivera, maaari namang magkaroon ng legal na puwesto ang mga vendor sa fish section sa pamamagitan ng pagbabayad ng ₱10 na market ticket kada araw.
Ayon naman kay Loreto Carvajal, miyembro ng Task Force na katuwang ng Market Division at POSO Mangaldan, unti-unti nang nababawasan ang bilang ng mga lumalabag sa ordinansa mula nang ipatupad ang mas mahigpit na operasyon laban sa mga iligal na nagtitinda ng isda.
Sa panig naman ni Gerardo de Guzman Ydia, POSO Chief ng Mangaldan, sinabi nitong kapansin-pansin na ang pagbuti ng pagsunod ng mga vendor sa ordinansa.
Aniya, ang halaga ng mga nakukumpiskang paninda ay maaaring umabot sa humigit-kumulang ₱5,000.
Maaari naman itong matubos ng may-ari matapos magbayad ng redemption fee na mula ₱100 hanggang ₱300, depende sa uri at dami ng produktong nakumpiska. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







