
CAUAYAN CITY – Muling pinatunayan ng Cauayan South Central School ang kanilang kahusayan matapos masungkit ang kampeonato sa ISAW Quiz Show na bahagi ng 26th Isabela Socio-Cultural Awareness Week na ginanap sa Ilagan South Central School sa Lungsod ng Ilagan noong ika-18 ng Enero.
Ang koponan ng Cauayan South Central School ay nagtala ng kabuuang 55 puntos mula sa tatlong rounds ng kompetisyon na easy, average, at difficult round.
Labing-pitong paaralan mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ang nagtagisan ng talino para makamit ang prestihiyosong titulo.
Kinilala ang mga mag-aaral na nagbigay ng karangalan sa Cauayan South Central School na sina Zaielle Jean Alvarez, Princess Haylee Panghulan, at Clark Elizar Ramos.
Samantala, itinanghal na 2nd place ang Cauayan North Central School habang 3rd place naman ang Infant Jesus Montessori School.
Ang ISAW Quiz Show ay inorganisa ng University of the Philippines Kalipunan ng mga Anak ng Isabela (UP KAISA) bilang bahagi ng kanilang taunang aktibidad na layong itaguyod ang socio-cultural awareness sa lalawigan ng Isabela.