Saturday, August 29, 2026

COMELEC, iginiit na tuloy ang special election at proklamasyon ng papalit kay dating Rep. Kiko Barzaga kahit mababa ang turn out ng eleksyon

Hindi makakaapekto ang masungit na panahon at mababang turn out sa special elections sa Dasmariñas City, Cavite para sa paghahalal ng kandidato na uupo sa nabakanteng pwesto ni dating Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga.

Yan ang binigyang diin ni Commission on Elections o COMELEC Chairperson George Garcia ngayong ngayong Sabado, August 29, sa kaniyang pag-iinspeksyon sa Arena ng lungsod na pagdadausan ng manual canvassing o pagbibilang ng kabuuang boto at proklamasyon ngayong Sabado, August 29 ng hapon.

Dagdag pa ni COMELEC Chairman Garcia, plurality umano ang susundin ng ahensya.

Ibig sabihin, ipoproklama ng COMELEC kung sino sa limang kandidato ang makakakuha ng pinakamaraming boto, kahit hindi bomoto lahat ng rehistradong botante sa lungsod.

Masisiguro naman umano na walang mangyayaring dayaan sa manual canvassing dahil na rin sa presensya ng mga abogado ng partido at kandidato, watchers, at observers; habang papayagan naman ang mga botante na pumasok sa arena para umantabay sa resulta ng manual canvassing mamayang hapon, yun nga lang ay hanggang sa itaas na bahagi lang sila ng Arena.

Ayon kay Atty. Mohammad Bhydir Sarapuddin, Election Officer ng Dasmariñas, Cavite, bubuksan na ang Reception and Costudy Group pagpatak pa lang ng alas-3 ng hapon para tanggapin ang 1, 308 election returns, habang magko-convene naman ang board pasado ala-6 ng hapon.

Sa kabilang banda, sakaling magpatuloy ang masamang panahon, plano ng COMELEC na i-extend ng ilang oras ang voting period para bigyan ng pagkakataon na makaboto ang ilang botante ng lungsod, gayunpaman ay target umano ng COMELEC na maiproklama ang winning candidate bago mag ala-5 ng umaga sa Linggo, August 30.

Facebook Comments