
Hihilingin ng Citizens Crime Watch (CCW) sa Office of the Ombudsman (OMB) na maglabas na ng resolusyon sa kaso ni dating Manila Mayor Isko Moreno.
Mamayang alas-10 ng umaga ay magpapadala ng liham ang advocacy group sa Ombudsman para sa pormal na kahilingan.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ng CCW, taong 2022 pa sinampahan ng kasong katiwalian ang alkalde kasama ang iba pang opisyal ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila.
Paliwanag pa ni Atty. Topacio, may kaugnayan ito sa umano’y iligal na pagbenta ng Divisoria Public Market sa halagang P1.4 bilyon.
Inalmahan ito ng mga magtitinda na kasapi ng Divisoria Public Market Credit Cooperative dahilan para magsampa ng kaso.
Ang iba pang kinasuhan ay ang vice mayor noon at kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Honey Lacuna, ilang konsehal, at opisyal ng pamahalaang lungsod.