
Nasakote ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na wanted sa illegal drug trafficking sa mismong condo unit nito sa Parañaque City.
Kinilala ang dayuhan na si Ouyang Shixing, 40-anyos.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado na naglabas sila ng mission order para kay Shixing matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa pamahalaan ng Tsina tungkol sa krimen nito.
Si Shixing ay may red notice mula sa INTERPOL kung saan siya ay may nakabinbing warrant of arrest na inisyu noong Nobyembre 2023 ng public security sa Fuzhou City.
Ayon sa imbestigador ay bumili umano ang dayuhan ng methamphetamine mula sa isang drug supplier at ibinenta ito sa isang buyer sa halagang 70,000 yuan na ginamit nito papuntang Pilipinas.
Nakapiit ngayon ang dayuhan sa kustodiya ng BI Camp Bagong Diwa, Taguig City habang sumasailalim sa deportation proceedings at posibleng ma-blacklist sa pagpasok nito sa bansa.