Lumagda ang Civil Service Commission Regional Office I (CSC RO I) at Provincial Government of La Union (PGLU) sa isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapatupad ng Civil Service Digital Examination (CSDEx), bilang bahagi ng pagsusulong ng digitalisasyon at modernisasyon ng serbisyo publiko sa bansa.
Isinagawa ang MOA signing noong Setyembre 7, 2026 kasabay ng CSC RO I Forum for Local Government Leaders of La Union
Nilagdaan ang kasunduan para sa CSC ni Chairperson Atty. Marilyn B. Yap, na kinatawan ni Assistant Commissioner Atty. Ariel Ronquillo, habang para sa PGLU ay lumagda si Governor Mario Eduardo C. Ortega, na nagsilbi ring panauhing pandangal at tagapagsalita sa naturang forum.
Sa ilalim ng kasunduan, ipinagamit ng PGLU sa CSC RO I ang 431-square-meter na lupain na matatagpuan sa tabi ng Regional Office Building ng CSC RO I.
Gagamitin ang lugar para sa pagtatayo ng magiging CSDEx Building, na inaasahang makatutulong sa pagdaraos ng pagsusulit para sa malaking bilang ng mga examinee sa buong Region 1.
Ang CSDEx ay isang cloud-based high-stakes examination platform na idinisenyo bilang bahagi ng Philippine Civil Service Modernization Project.
Ito ang digital na paraan ng pagsasagawa ng civil service examination na nakatakdang pumalit sa kasalukuyang Computerized Examination (COMEX) at kalaunan ay sa tradisyunal na Pen and Paper Test.
Alinsunod din ito sa Cloud First Policy ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ng pamahalaan.
Sa ilalim ng MOA, maaaring gamitin ng CSC RO I ang lupain para sa CSDEx Building sa loob ng 25 taon, na maaaring i-renew sa pagpapasya ng PGLU, ngunit hindi lalampas sa kabuuang 50 taon..
Samantala, binigyang-diin ni Director III Cornelia M. Rillera ang kahalagahan ng suporta ng PGLU sa pagsusulong ng mga programa ng CSC, partikular sa digitalisasyon ng mga sistema at proseso ng serbisyo publiko.
Samantala, nakatakdang isagawa ang pilot testing ng CSDEx sa lahat ng regional offices ng CSC sa September 25, 2026. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








