₱17-MILYONG HALAGA NG UMANO’Y ILEGAL NA SIGARILYO, NASAMSAM SA AGNO

Nasamsam ng Pangasinan Police Provincial Office ang nasa ₱17.65 milyon halaga ng umano’y ilegal na sigarilyo sa isinagawang operasyon sa Agno, Pangasinan noong September 10, 2026.

Ayon sa pulisya, nasa 278 kahon o katumbas ng 139,000 pakete ng “Red Modern” cigarettes ang nakumpiska sa operasyon na isinagawa sa pamamagitan ng intelligence-driven law enforcement operation.

Dalawang lalaki ang naaresto matapos mabigong maipakita ang kinakailangang legal na permit para sa pagbiyahe ng naturang kargamento.

Isinagawa ang operasyon ng Agno Municipal Police Station, katuwang ang Pangasinan Police Provincial Office at Bureau of Customs-Sual, at sa tulong ng Barangay Tupa Bantay Dagat.

Pinangunahan naman nina Agno Mayor John N. Celeste at Vice Mayor Jonathan G. Doromal ang pagbisita sa isinagawang inventory ng mga nakumpiskang sigarilyo.

Patuloy naman ang suporta ng lokal na pamahalaan ng Agno sa kapulisan at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na kalakalan.

Samantala, binigyang-diin ng Pangasinan Police Provincial Office na magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa mga sangkot sa ilegal na aktibidad na nakaaapekto sa lehitimong negosyo, kita ng pamahalaan at ekonomiya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments