COMELEC, kukuha ng dagdag personnel para sa pagsasagawa ng manual verification ng balota

Plano ng Commission on Elections (COMELEC) na magdagdag ng mga tauhan para mapabilis ang beripikasyon ng mga naimprentang opisyal na balota.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, nais nilang kumuha ng 300 indibidwal para dagdagan ang kasalukuyang 800 verifiers.

Aniya, sa kasalukuyan ay anim na makina ang ginagamit sa pag-imprenta ng balota sa National Printing Office (NPO) pero bumabagal ang proseso dahil sa manual verification.


Dagdag pa ni Garcia, pinag-iisipan din nilang gamitin ang National Irrigation Administration (NIA) at ang Amoranto Stadium, kapwa sa Quezon City, bilang venue para magsagawa ng beripikasyon ng mga balota.

Sa huling datos na ibinahagi ng COMELEC, nasa 12,721,925 na balota ang naiimprenta na malayo pa sa higit 72 milyong balota na gagamitin sa 2025 midterm elections.

Sa kabila nito, kumpiyansa si Garcia na matutugunan nila ang deadline sa April 14, 2025 para tapusin ang pag-imprenta.

Facebook Comments