
Nananatili pa rin ang karapatan ni Senator Jinggoy Estrada na makalahok sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Iginiit ni Estrada na hindi pa pinal na hindi na siya makalalahok bilang senator judge sa impeachment trial dahil on-going pa ang proceedings sa kanyang kaso.
Sinabi ng senador na maghahain pa lang siya ng komento at oposisyon at gagawin pa niya ang lahat ng legal na remedyo.
Hangga’t hindi pa naibaba ang final ruling, binigyang-diin ni Estrada na patuloy niyang igigiit ang kanyang awtoridad na gampanan ang constitutional duties bilang senator-judge.
Anuman aniyang pahayag na hindi na siya makalalahok sa impeachment trial bilang senator judge bunsod ng graft at plunder cases ay maituturing na premature, walang basehan, at minamaliit ang integridad ng impeachment process.
Ipinunto din ni Estrada na batid niya ang mga umiiral na tuntunin, proseso, at responsibilidad sa impeachment trial dahil minsan na rin siyang nagsilbing senator-judge.
Tiniyak ng mambabatas ang patuloy na paggalang sa kapangyarihan ng hukuman at sa mga prosesong itinatag ng batas.










