Pansamantalang sinuspinde ng may-ari ang operasyon ng coastal resort sa Dipaculao, Aurora, kung saan nag-stay ang team ng Ateneo de Manila University (ADMU).

Ito ay bilang kooperasyon ng nasabing resort sa patuloy na imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkalunod ng dalawang student-athlete na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.

Ayon sa may-ari ng coastal resort, ilang beses nilang pinaalalahanan ang mga coach at mga atleta na huwag lalayo sa tapat ng resort, manatili lang sa mga area na may pahintulot na puntahan, at magsuot ng lifevest kung sakaling maliligo sa dagat.

Ngayong araw ng Huwebes, June 11 dumating ang Criminal Investigation and Detention Group (CIDG) sa Arlington Memorial Chapels and Crematory sa Quezon City, kung saan nakaburol si Baterbonia, pero hindi nila sinabi kung ano ang kanilang pakay o kung may kinalaman ba ang kanilang pagpunta sa imbestigasyon sa insidente.

Kabilang din sa bumisita ngayong Huwebes ay si Senator Robin Padilla, Senator Bam Aquino, basketball player na si Poy Erram at Jess Evangelio na coach ni Baterbonia sa Ateneo de Davao University.

Iuuwi ang labi ni Baterbonia bukas ng umaga, June 12, sa Agusan del Sur.

Facebook Comments