Monday, August 3, 2026

Confidential fund controversy, inihalintulad ng isang House prosecutor sa fertilizer scam

Inihalintulad ni House Prosecutor at Manila 3rd District Representative Joel Chua sa fertilizer scam ang kontrobersyal na umano’y maling paggamit ni Vice President Sara Duterte sa confidential fund na may kabuuang halaga na 612.5 million pesos.

Pinaalala ni Chua ang ₱728-million fertilizer fund controversy na isang magandang programa ng gobyerno pero ang problema ay hindi makita kung saan ginamit ang pondo kaya parang naging ghost fertilizer.

Binaggit ni Chua na tinukoy ng Office of the Ombudsman noon ang mga pekeng resibo at certifications para sa overpriced na mga fertilizer pero lumalabas na wala namang nakatanggap o benepisaryo nito.

Sabi ni Chua, ito ngayon ang sisilipin ng prosecution sa unang article of impeachment upang matukoy kung paano dumaloy ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) at kanino napunta o sino ang nakinabang.

Binanggit ni Chua na nasa 13 ang testigong nakalinya para sa ikalawang article of impeachment kung saan una nang naipresenta ang dalawang dating Land Bank branch manager.

Facebook Comments