Wednesday, November 4, 2026

House Prosecution, ipinagtanggol ang Senate impeachment trial sa kabila ng resulta ng SWS survey

Iginiit ng House Prosecution Panel na patas at maayos ang pagsasagawa ng Impeachment Court ng paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte.
 
Ito ang pahayag ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kasunod ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), kung saan 28% lamang ng mga Pilipino ang nagtitiwala sa kakayahan ng Senado na magbigay ng patas na hatol sa impeachment trial ni VP Sara.
 
Isinagawa ang survey noong September 21 hanggang 27, bago iatras ng prosekusyon ang tatlong Articles of Impeachment at isa na lamang ang isulong, na may kaugnayan sa hindi maipaliwanag na yaman ni VP Sara.
 
Ayon kay Adiong, hindi madali ang trabaho ng Impeachment Court, lalo na ng presiding officer nito.
 
Gayunman, iginiit ni Adiong na ginagampanan ng Senado ang tungkulin nito bilang Impeachment Court at tiwala siyang maayos nitong mareresolba ang impeachment case ni VP Duterte batay sa mga itinakdang proseso at mga ebidensyang inilahad ng prosekusyon at depensa.

Facebook Comments