
May coordinated network ng social media accounts na iniuugnay sa Chinese nationals na umano’y aktibong nagpapakalat ng content laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at pabor naman kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang laman ng Foreign Influence Operations at Foreign Information Manipulation and Interference o FIMI sa Pilipinas na ipinrisinta ng PressOnePH sa pagdinig ng House Tri-Committee ukol sa fake news at disinformation.
Ayon kay Niceforo Balbedina III ng PressOnePH, nagpapakalat ng kuwestyonableng narratives ang Chinese state media patungkol sa tensyon sa West Philippine Sea habang pinaiingay ang social media content na may kaugnayan kay VP Sara.
Tinukoy ni Balbedina ang China Daily na pinakamalaking English-language newspaper ng China at TikTok affiliate nito na “Media Unlocked” na pinagmumulan ng mga kwestyunableng AI-generated disinformation content.
Sabi ni Balbedina, ang mga ito rin ang nasa likod ng muling paglutang ng kontrobersyal na “polvoron” video ni PBBM.
Ayon sa PressOnePH investigators, nitong Feb. 4, ay umaabot na sa 107 ang mga suspicious accounts na nagpapakalat ng anti-Philippine sentiment na karamihan ay may Chinese names.