Mga miyembro ng BTA, naka-hold over capacity sa ilalim ng BARMM elections postponement

Sasailalim sa “hold over capacity” ang mga opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) kapag naaprubahan ang pagdaraos ng BARMM Elections sa October 13, 2025.

Ayon kay Senator JV Ejercito, isa sa may-akda ng panukala sa Senado, nagkasundo ang mga senador at mga kongresista na sundin ang bersyon ng Mataas na Kapulungan kung saan limang buwan lang ang ipatutupad na election postponement sa BARMM habang ang mga kasalukuyang miyembro ng BTA ay mananatili sa pwesto hanggang sa matapos ang halalan sa Oktubre.

Paliwanag pa ni Ejercito na ginamit na ‘working draft’ ang bersyon ng panukala ng Senado ngunit hindi naman lahat ay puro galing sa Senado kundi mayroon ding mga probisyon na mula sa Kamara.


Muling iginiit ng senador ang pangangailangan na ipagpaliban muna ang BARMM elections dahil may mga isyung kailangang resolbahin tulad ng redistribution sa pitong upuan na nabakante ng Sulu matapos itong umalis BARMM.

Oras namang maisabatas ang panukala, ang susunod na Bangsamoro elections ay isasabay na sa 2028 national elections at synchronized na rin ito sa mga susunod pang eleksyon.

Facebook Comments