
Isang bangkay ng isang 29 na taong gulang na lalaki ang natagpuan sa loob ng isang sinunog na sasakyan sa loob ng isang farm sa Guiguinto, Bulacan.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 3 Regional Director PBGen. Jess B. Mendez, crime of passion ang motibo sa nasabing krimen kung saan ang nasabing biktima ay may relasyon umano sa isa sa mga suspek.
Ayon kay Mendez, ang unang intensyon ay perahan ang biktima ngunit nagselos umano ang lalaking live-in partner ng suspek na babae.
Ayon sa ulat ng pulisya, pinalo sa ulo ang nasabing biktima ng mga suspek, pinusasan, kumuha ng alambre para sakalin hanggang sa mamatay , pagkatapos nito ay sinakay ang biktima sa sarili nitong sasakyan , dinala sa nasabing farm at sinunog.
Kaugnay nito, apat ang suspek sa nasabing krimen kung saan ang dalawa rito ay naaresto na ng pulisya matapos na tulungan ang dalawang mag-live-in partner na syang tinuturing na mastermind sa nasabing pamamaslang.
Patuloy naman ang pagtugis sa dalawang mastermind sa nasabing krimen habang itinuturing ng pulisya na case solved na ang nasabing insidente.










