
Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na repasuhin ang mga criteria, sa paggawad ng Seal of Good Local Governance o SGLG sa mga local government unit (LGU).
Ang SGLG ay isang pagkilala na iginagawad ng DILG sa mga LGU na nagpapakita ng mahusay, tapat, at epektibong pamamahala.
Sa kanyang talumpati sa National Nutrition Awarding Ceremony sa Quezon City, sinabi ng Pangulo, na dapat isama ang healthcare at nutrition sa mga criteria na susuriin bago gawaran ng parangal ang isang lokal na pamahalaan.
Kasama rito ang pagtutok sa nutrisyon, pagbabakuna, at ang pagbibigay ng access sa dekalidad na health services sa mga komunidad kasabay ng pagtitiyak na natututukan ang kalusugan ng mga bata, lalo na sa kanilang first 1,000 days na kritikal na panahon sa kanilang paglaki at pag-unlad.
Ayon sa Pangulo, isa sa mga mahahalagang aral na iniwan ng pandemya ay ang pangangailangang pagtuunan ng pansin ang kalusugan at nutrisyon ng bawat Pilipino.
Ngayong umaga, pinangunahan ni Pangulong Marcos at ng National Nutrition Council (NNC) ang pagkilala sa mga natatanging LGU at local nutrition focal points para sa kanilang mahusay na pagpapatupad ng epektibo at pang matagalang nutrition programs.
Ang mga nagwagi ay tumanggap ng kaukulang cash incentives, tropeo, at medalya.