Local proxies na gamit sa troll farm ng China, karamihan ay “influencers” —NSC

Tinukoy ni National Security Council (NSC) Assistant Director Jonathan Malaya na karamihan ng mga kinuhang local proxies na tina-tap ng China sa pagpapakalat ng kanilang mga propaganda ay mga “influencers”.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zone, sinabi ni Malaya na ginagamit ang mga local proxies para palakasin at ipakalat sa bansa ang posisyon ng China sa ilang mga isyu at ang pangunahing trabaho ng mga ito ay uulitin lang kung ano ang script ng China.

Aabot aniya sa sampu ang mga influencers na ginagamit ng China para sa pagpapakalat ng kanilang posisyon at mga propaganda kung saan ilan sa mga ito ay naka-base sa China at doon pa nag-aaral.

Sinabi pa ni Malaya na kahit ilan sa mga ito ay nasa China, ang mga ito ay pawang mga Pilipino at may mabibigat na pangalan na tukoy na rin ng ahensya.

Hindi man pinangalanan ng opisyal pero tukoy na rin ang mga kandidato na nagsisilbing mouthpiece ng China na sumisira rin sa ibang mga kandidato na may matibay na posisyon laban sa nasabing bansa.

Katunayan, isa aniya si Senator Francis Tolentino sa sinisiraan dahil sa paninindigan at posisyon nito sa Maritime Zones Law na siyang nagtataguyod sa territorial integrity at security ng bansa.

Facebook Comments