Daan-daang residente nawalan ng bahay sa Brgy. San Juan, Taytay, Rizal

Tinatayang humigit-kumulang sa 100 pamilya ang nawalan ng bahay matapos umabot sa ikalawang alarma ang sunog sa tabi ng Floodway na sakop ng Barangay San Juan, Taytay, Rizal.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), wala namang napaulat na nawawala at malubhang sugatan, maliban sa may-ari ng bahay na pinanggalingan ng apoy na si Hesus Florin.

Nagtamo ng paso sa kanang balikat ang ama ng tahanan na tinangka pang apulahin ang sunog na nagsimula pasado alas-3 ng madaling araw.


Paliwanag pa ni Florin, mabilis ang pagkalat ng sunog na maaari umanong dahil sa upos ng sigarilyo o katol sa labas ng kanilang bahay.

Gayundin, inangal niya at kanyang mga kapitbahay ang tagal umano ng responde ng mga bumbero, na pasado alas-5 na nagdeklara ng First Alarm gayung alas-3 ng madaling nagsimula ang sunog.

Kaakibat dito, isang aso ang nasawi dahil sa nasabing sunog.

Bangkay na nang maabutan ni Mark Joseph Casabuena ang isa sa kanyang dalawang American bully makaraan umanong hindi makalabas sa kulungan habang nagliliyab ang sunog.

Kitang may paso naman sa mukha at mga binti ang isa pang aso ni Casabuena na swerteng naikalag ng isang bata sa kadena, habang isa pang asong kalye ng may-ari ang nawawala.

Facebook Comments