
Inaprubahan ng pamahalaan ang pagdaragdag ng 16,000 teaching positions para sa darating na school year, mas mataas kumpara sa dating 10,000 na karaniwang nalilikha taon-taon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang education system sa bansa at tugunan ang kakulangan ng mga guro sa mga pampublikong paaralan.
Ang karagdagang mga posisyon ay inaasahang makatutulong upang mabawasan ang laki ng klase, mapagaan ang workload ng mga guro, at mapahusay ang kalidad ng pagtuturo sa mga mag-aaral.
Binanggit din ni Castro na bahagi pa lamang ito ng mas malawak na plano, kung saan target ng administrasyon na makalikha ng kabuuang 20,000 na bagong teaching positions.
Layon ng hakbang na mas matutukan ang bawat estudyante upang mas maging epektibo ang kanilang pagkatuto.
Ayon pa kay Castro, nasa ₱4.19 billion ang pondo na inilaan para sa dagdag na mga guro na nakapaloob sa regular na alokasyon ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.