
Bilang paghahanda sa pagdiriwang ng ikalawang taon ng National Refugee Day sa bansa sa June 20, inihayag ng Department of Justice (DOJ) ang matatag na suporta sa mga refugee, asylum seeker, at mga stateless person na naninirahan sa Pilipinas.
Sa temang “Strengthening Spaces of Resilience and Hope,” tampok dito ang iba’t ibang aktibidad gaya ng Refugee Film Festival, Solidarity Football Match, PhilSys Registration Day, at National Refugee Conference.
Layunin nito na isulong ang integrasyon at pagkalinga sa mga displaced communities.
Ayon kay DOJ Secretary Boying Remulla, ang pagtulong sa mga refugee ay hindi lamang tungkulin ng batas kundi utos ng konsensya.
Sinabi naman ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) Philippines na kinikilala nito ang Pilipinas bilang huwaran sa pagtupad ng pangakong makapagbigay ng ligtas, marangal at inklusibong komunidad para sa mga naaapektuhan ng sapilitang paglikas.
Itinatag ang National Refugee Day sa bisa ng Proclamation No. 265 noong 2023 bilang pagkilala sa makataong tradisyon ng Pilipinas sa pagbubukas ng pinto sa mga nangangailangan ng tahanan.