Mas pinaigting ng Local School Board (LSB) ng Bayambang ang pagtutok sa kakulangan ng pasilidad at kagamitang pang-edukasyon sa ilang paaralan sa bayan.
Sa isinagawang pulong, tinalakay ang agarang pangangailangan para sa karagdagang silid-aralan at armchairs upang mas maayos na matugunan ang lumalaking bilang ng mga mag-aaral.
Partikular na binigyang-diin ang kahilingan para sa konstruksyon ng dagdag na classrooms sa Catalino Castañeda Elementary School, gayundin ang paglalaan ng 50 armchairs para sa Don Teofilo Mataban Memorial School.
Bukod dito, napag-usapan din ang pagpapanatili at pagkukumpuni ng mga pasilidad sa paaralan upang matiyak ang kaligtasan at maayos na kapaligiran sa pag-aaral.
Kabilang din sa mga tinutukan ang mga programang nangangailangan ng sapat na pondo gaya ng Brigada Eskwela at Summer Aral Program, na parehong layong ihanda ang mga paaralan at estudyante sa nalalapit na pasukan.
Ayon sa LSB, mahalagang iprayoridad ang mga proyektong ito upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa Bayambang at masiguro ang sapat na suporta para sa mga guro at mag-aaral. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









