Mas maraming oportunidad at serbisyo ang hatid ngayong taon sa isinagawang Labor Day Job Fair 2026 ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pamamagitan ng PESO at DOLE noong Mayo 1, 2026.
Ayon sa Provincial PESO Pangasinan, kapansin-pansin ang dagdag-serbisyo para sa mga job seeker, kabilang na ang espesyal na tulong para sa mga repatriated OFWs mula sa kaguluhan sa Middle East.
Kabilang dito ang financial assistance at mga training program upang matulungan silang makapagsimula muli.
Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Provincial PESO Manager Ma. Richelle Mones Raguindin, ibinahagi na layon ng pinalawak na serbisyo na mas matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga naghahanap ng trabaho.
Umabot sa 19 na kumpanya, 7 overseas recruitment agencies, at 20 ahensya ng gobyerno ang nakiisa sa job fair.
Sa isinagawang pre-registration, mahigit 400 job seekers ang naitala, kung saan higit 80 dito ay mga repatriated OFWs.
Samantala, isa sa mga aplikante na si Iris ang nagpahayag na malaking tulong ang naturang aktibidad, lalo na sa mga tulad niyang aktibong naghahanap ng trabaho.
Matatandaang sa ulat ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, naitala ang mataas na employment rate na humigit-kumulang 95.6% noong 2025, batay sa pinakahuling ulat na inilabas ngayong 2026.| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








