DAGSA NG MGA UUWI SA PANGASINAN PARA SA UNDAS, INAASAHAN; MGA BUS OPERATOR, PINAIIGTING ANG PAGHAHANDA

Inaasahan ng mga bus operator sa Dagupan City ang pagdagsa ng mga pasaherong uuwi sa kanilang mga probinsya upang dumalaw sa mga yumaong mahal sa buhay sa papalapit na paggunita ng Undas.

Ayon kay Reynante V. Quinto, terminal master ng isang bus operator sa Dagupan City, taon-taon nilang inaasahan ang pagdami ng mga pasaherong umuuwi sa Pangasinan tuwing Undas.

Kaugnay nito, patuloy ang kanilang paghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong bibiyahe sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga tao.

Dagdag ni Quinto, umaabot sa 24 oras ang kanilang operasyon sa mga panahong inaasahang dumarami ang mga pasahero.

Tiniyak din niya na binibigyan ng sapat na pahinga ang mga drayber bago bumiyahe upang mapanatili ang kaligtasan ng mga pasahero sa kabila ng mas mataas na pangangailangan sa transportasyon.

Samantala, pinayuhan ng mga bus operator ang mga nagnanais umuwi sa kanilang mga probinsya na planuhin at agahan ang pagbiyahe upang maiwasan ang labis na siksikan sa terminal sa panahon ng Undas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments