LILIKNA: MGA DAMDAMIN AT KARANASAN NG MGAMAG-AARAL, BINUHAY SA PAMAMAGITAN NG SINING

Hindi lahat ng damdamin ay kayang bigyang-kahulugan ng mga salita. May mga emosyong nananatiling tahimik sa puso, mga karanasang mahirap ikuwento, at mga saloobing sa pamamagitan lamang ng sining nakakahanap ng tinig.
Sa St. Columban’s College sa Lingayen, Pangasinan, naging daluyan ng mga damdamin at karanasan ang LILIKNA, isang art exhibit na hango sa salitang Pangasinan na “Liknaan,” na nangangahulugang damdamin o emosyon.
Sa bawat likhang-sining na tampok sa eksibit, masisilayan ang sari-saring kulay, hugis, at detalye na hindi lamang nagbibigay-buhay sa mga obra, kundi nagkukuwento rin ng mga damdaming maaaring pamilyar sa bawat isa.
Bawat obra ay may sariling mensahe. Sa likod ng mga kulay at hugis ay naroon ang mga saloobin at karanasang hindi man madaling ipahayag sa salita, ay maaaring maunawaan sa pamamagitan ng pagtingin, pagninilay, at pagdamang hatid ng sining.
Ang mga likhang-sining ay mula sa mga mag-aaral sa ikatlong taon ng Bachelor of Elementary Education sa ilalim ng pangangasiwa ni Ms. Crinjyl Saringan Cacondangan.
Sa pamamagitan ng LILIKNA, naipapakita ng mga mag-aaral na ang sining ay hindi lamang tungkol sa paglikha ng isang magandang obra. Isa rin itong paraan upang maipahayag ang sarili, mailabas ang mga saloobin, at mabigyang-puwang ang mga damdaming kaakibat ng iba’t ibang karanasan at pagsubok sa buhay.
Sa likod ng bawat likhang-sining ay isang taong may sariling kuwento—may mga damdaming nais ibahagi at mga karanasang naghihintay na maunawaan.
Sa huli, ipinapaalala ng LILIKNA na ang sining ay hindi lamang nililikha upang makita, kundi upang damhin.
Sapagkat kung minsan, ang mga bagay na hindi kayang sabihin ng mga salita ay naipahahayag ng isang kulay, isang guhit, o isang obrang nagmumula sa puso. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments