MATINDING INIT DALA NG EL NIÑO, NAGPAPABILIS SA PAGKAPANIS NG PAGKAIN; DOH, NAGBABALA LABAN SA FOOD POISONING

Nagbabala ang Department of Health o DOH sa posibilidad ng pagkalason sa pagkain dahil sa mas mabilis na pagdami ng bakterya sa ilalim ng mataas na temperatura, sa gitna ng matinding init na nararanasan sa lungsod ng Dagupan.

Ayon sa DOH, mahalagang panatilihin ang kalinisan at sundin ang wastong paghawak at pag-iimbak ng pagkain upang maiwasan ang pagkasira nito at ang posibleng pagdulot ng food poisoning.

Sa panig naman ng mga nagtitinda ng pagkain, tiniyak ni Jessica, may-ari ng isang karinderya sa Dagupan City, na sinisiguro nilang lutong-luto ang mga putaheng kanilang ibinebenta.

Dagdag niya, nagdaragdag din sila ng suka sa pagluluto upang makatulong sa pagpapahaba ng pananatiling maayos ng kanilang mga ulam.

Paliwanag pa ni Jessica, kabilang sa mga putaheng madaling masira ang mga pagkaing may sarsa o gata.

Kaugnay nito, pinayuhan ng DOH ang publiko na gumamit ng malinis na tubig sa paghuhugas ng pagkain, kamay at mga kagamitan sa pagluluto.

Hinikayat din ang mga pamilya na maging maingat sa paghawak at pag-iimbak ng pagkain upang maprotektahan ang kanilang kalusugan laban sa mga panganib na dulot ng matinding init. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments