Iba’t ibang malikhaing putahe mula sa kilalang Dagupan bangus ang itinampok sa idinaos na Bangusine noong April 21 sa City Plaza, kung saan nagtagisan ng galing ang mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan at unibersidad.
Sa naturang aktibidad, muling binigyang-buhay ang pangunahing produkto ng lungsod sa pamamagitan ng paggawa nito bilang street food. Sa halip na international cuisine, mga lokal at mas pamilyar na timpla ang naging sentro ng patimpalak ngayong taon.
Ilan sa mga nagwaging dish ay ang Bangus Dinakdakan Ilocos Tacos and Fried Bangus Dinakdakan Skewers, Bangus Inasal con Leones, at Steamed Bangus Piaparan with infused Coconut Sauce, na nagpakita ng iba’t ibang malikhaing paraan ng paghahain at pagluluto ng bangus.
Layunin ng aktibidad na maipakita ang makabagong paraan ng pagluluto ng bangus at itanghal ito bilang street food na mas malapit sa panlasang Pinoy, habang binibigyang-diin din ang lokal na kultura sa pagkain.










